Sagradong Luha

SA TUWINANG pagsapit ng gabi.. sa aking pagtulog
hindi ko ninais na patayin ang ilaw.

Dahil ang kadilimang hatid ng hatinggabi’y
animo’y pagbuhat sa mundong kay bigat.

Hindi ko ninais na maiwan sa silid tulugan.
Sa apat na sulok ng naturang silid, waring nakakulong.

At sa pagpatay ng ilaw na sya lamang nagbibigay liwanag
ay sya ding pagpatak ng mga luha kong nananahimik.

Ang buwan na lamang ang aking kasipi.
Ang buwan na lamang ang syang tanging sa aki’y nakikiluha.

Ngunit gagatiting na liwanag sa aki’y ipinagkaloob..
Kadiliman pa din ang syang naghahari.

Mga luhang walang tigil na bumubuhos.
Wala mang tunog ang hinagpis ng aking nararamdaman,
wala mang hikbi sa pagluha ng aking mga mata,
ako’y patuloy pa ring nananahimik.

Tahimik na nasasaktan.
Waring nagpapakamanhid kahit sa loob loob ay nadudurog.

Tahimik na nagtitimpi.
Waring nagwawalang bahala kahit sa loob loob ay naghuhumiyaw.

Tahimik na pilit at patuloy pa ring kumakawala
sa pagkakayakap ng kalungkutan sa’king munting mga braso.

Tahimik na lumalaban kahit sa loob loob
ay nanghihina’t nalalapit na ang pagsuko..

Bakit lumuluha ang aking mga mata?
Bakit?

^~~~^