Tanging Kapalaran

SA PAGPIKIT ng aking mga mata,
ay syang pagmulat ng mga luha.

Sa paghiga tuwina sasapit ang kadiliman,
ay sya namang pagbangon ng kalungkutan.

Tila ngayon ko lang tanging naintindihan,
Tila ngayon lang kung kailan aking naramdaman.

Nagmahal at nasaktan,
yan ang aking kapalaran.

Magmamahal at masasaktan,
yan ang ating kapalaran.

^~~~^

Sagradong Luha

SA TUWINANG pagsapit ng gabi.. sa aking pagtulog
hindi ko ninais na patayin ang ilaw.

Dahil ang kadilimang hatid ng hatinggabi’y
animo’y pagbuhat sa mundong kay bigat.

Hindi ko ninais na maiwan sa silid tulugan.
Sa apat na sulok ng naturang silid, waring nakakulong.

At sa pagpatay ng ilaw na sya lamang nagbibigay liwanag
ay sya ding pagpatak ng mga luha kong nananahimik.

Ang buwan na lamang ang aking kasipi.
Ang buwan na lamang ang syang tanging sa aki’y nakikiluha.

Ngunit gagatiting na liwanag sa aki’y ipinagkaloob..
Kadiliman pa din ang syang naghahari.

Mga luhang walang tigil na bumubuhos.
Wala mang tunog ang hinagpis ng aking nararamdaman,
wala mang hikbi sa pagluha ng aking mga mata,
ako’y patuloy pa ring nananahimik.

Tahimik na nasasaktan.
Waring nagpapakamanhid kahit sa loob loob ay nadudurog.

Tahimik na nagtitimpi.
Waring nagwawalang bahala kahit sa loob loob ay naghuhumiyaw.

Tahimik na pilit at patuloy pa ring kumakawala
sa pagkakayakap ng kalungkutan sa’king munting mga braso.

Tahimik na lumalaban kahit sa loob loob
ay nanghihina’t nalalapit na ang pagsuko..

Bakit lumuluha ang aking mga mata?
Bakit?

^~~~^

Waring Nababaliw

WARING NABABALIW sa paglipas ng araw
doon, dito, at sanman, ang hanap ay ikaw
kahapon, kanina, maya’t maya, ika’y tinatanaw
sa aking mga titig ika’y matutunaw

Waring nababaliw sa paglipas ng gabi
sa aking isipan ikaw ang siyang sumasagi
sa aking pagtulog ika’y di maisantabi
sa aking panaginip ika’y namamalagi

Waring nababaliw sa aking nararamdaman
kahit ang sarili’y ‘di ko na rin maintindihan
nagagawang maitago ngunit hanggang kailan
aking pagtingi’y tunay, ito ang katotohanan

Waring nababaliw sa tuwing ika’y napapansin
kailan mo ba malalaman ang lihim na pagtingin?
kailan mo ba makikita ang tunay na lihim?
ako’y nahihirapan at ako’y nasasaktan din.

^~~~^

Ano’ng Meron Sa Butas Ng Donut?

ANG BUHAY ay parang donut, may butas sa gitna..

May kulang ba? Bakit kailangan may butas? Ilan lang yan sa mga tanong na marahil naiisip ng ibang tao kagaya ko.

Hindi natin alam kung ano yung palaging kulang, hindi natin alam kung bakit dapat may butas sa gitna. Hindi natin alam yung dahilan..

Pero hindi ba, hindi natin naiisip yung mga bagay na yun? Hindi naman natin sya napapansin? Pero tulad nga ng iba, marahil ay tulad ko din na nais din malaman. Marahil tulad ng iba at tulad ko ay sumagi sa isipan na magtanong o mag isip ng mga ganung bagay.

Donut. Oo, masarap. Kakagatin natin. Kakainin.. Hanggang sa maubos. Donut. Pag kinain na natin saka natin marerealize sa huli na wala palang kulang.

Walang kulang. Na sapat na pala. Kung minsan gusto pa natin, parang nakukulangan. Pero ang di natin alam ay kapag kumain ulit tayo sa pangalwang pagkakataon ay hindi ba, hindi tulad ng satisfaction na naramdaman natin sa unang pagkakataon? Iba pa din ang isa. Iba pa din ang una.

Sapat na ang isa. Dalwahin mo at masarap pa din ngunit bumaba ang kalidad. Tatluhin mo at mas nabusog ngunit sapat lamang sa pandadagdag sa tyan at di na inisip ang sarap o lasa. Apatin mo at sobra na.. Limahin mo at hanggang sa isuka mo na.

Ewan ko kung bakit ko ‘to sinusulat. Hindi ko din alam kung bakit ko ‘to naiisip. Hindi ko rin alam kung sasang-ayon kayo sa akin. Ang tanging alam ko lang ay sa pagkain ng donut.. Ngunit hindi ko rin alam kung bakit ito sumagi sa isipan ko.

Parang buhay ang donut. Ika ko nga nung una, may butas. May kulang? Ngunit pag kinain saka lang mararamdaman na “ay, tama lang pala. ay, masarap pala”

Parang buhay na kapag namuhay lang tayo, may kulang?

Parang buhay na sa kakaisip natin kung ano yung kulang nakakalimutan natin ang ibang bagay na nasa harap na natin.

Parang buhay na sa kakaintindi natin sa mismong buhay, naiwawalang bahala natin ang mga ibang bagay na may tunay na kahulugan sa atin.

Parang buhay na sa kakahanap natin sa kulang ay sya din pagkawala ng paningin natin sa kahalagahan ng kung ano’ng meron tayo.

Parang buhay na akala natin palaging kulang, hindi pala.

Hindi pala. Sapagkat kaya lang naman sya nagkukulang ay dahil na rin sa ating kaisipang “may iba akong kailangan”

Sapagkat kaya lang naman sya nagkukulang ay dahil na rin sa hinaing nating “bakit wala ako nito? bakit wala ako nun?”

Sapagkat kaya lang naman sya kulang ay dahil na rin sa paniniwalang “bakit ba palaging may kulang?”

Bakit hindi nating subukang mamuhay lang at wag intindihan ang kulang.. wag kwestyunin ang buhay..

Huwag na tayong mag aksaya pa ng panahon sa pag intindi sa mismong buhay, mamuhay na lang tayo sa alam nating paraan.

Tara! Iwanan muna ang mga isipin. Donut? (:

^~~~^

Sa’yo Kaya?

HINDI KO na alam yung gagawin ko.. Gustung gusto ko syang i-open or sabihin sa iba. Pero hindi ko magawa. Hindi ko din kasi alam kung kailan, at kung kanino dapat?

Kanino ba dapat?

Natatakot kasi ako sa maaaring mangyari pag nalaman ng iba. Natatakot ako sa kung ano ang idudulot nun sakin at sa ibang tao.

Pero.. kasi naman. Antagal tagal na nito. At hanggang ngayon eh di ko pa din nasasabi. Kaya naba-bother pa rin ako kasi ang hirap pag ako lang yung may alam. Ang hirap kaya magtago. Pero di naman talaga sya sikreto, mahirap lang na wala akong mapagsabihan..

Kanino ba dapat?

Haaaay. Kaya di ako mapakali lagi eh. Lagi ko kasi yun naiisip. Kung may mapagsasabihan lang talaga akooo -.-

Kanino ba dapat?

^~~~^

Masama Ako

MASAMA AKO
dahil hindi ko kayang tanggapin

Masama ako
dahil kaya kitang ilaglag

Masama ako
dahil hindi kita sasang-ayunan

Masama ako
dahil sasabihin kong mali ka

Masama ako
dahil hindi kita naiintindihan

Masama ako
dahil ako na yung nasasaktan

Masama ako
dahil ayaw kitang mapahamak

Masama ako
Alam ko
na ang sama sama ko

Pero bakit hindi mo tanungin yung sarili mo;
masama ba ako?

Baka sakaling hindi mo ako husgahan
Baka sakaling ganun ka din pala

Masama ba talaga ako?

^~~~^

Sana Kahit Papano

BUTI PA yung ibang tao nakikita nila.

Buti pa yung ibang tao naaappreciate nila.

Buti pa yung ibang tao natutuwa.

Buti pa yung ibang tao humahanga.

Buti pa yung ibang tao..

 

sana naman kayo din

sana naman makita nio din

sana naman maappreciate nio din

sana naman matuwa din kayo

sana naman humanga din kayo

sana naman hindi lang yung puro kamalian makita nio

sana naman kahit papano maging katulad kayo nung ibang tao.

 

buti pa sila nakikita yung kahalagahan

sana naman kayo din

sana naman kahit papano..

 

masakit

na yung ibang tao bukas ang mga mata

tapos kayo, bukas nga

nagbubulag bulagan naman

 

masakit

na yung ibang tao nagagawa ngang magsalita

tapos kayo, nagsasalita nga

yung mga kamalian naman ang pinapamukha

 

masakit

na yung ibang tao nakikinig

tapos kayo, may tainga nga

yung sarili nio lang pinapakinggan nio

 

masakit

na yung ibang tao naiintindihan nila

tapos kayo, di nio maintindihan

ayaw niong intindihin na marami din akong iniisip

 

masakit

na yung ibang tao nakakausap ko

tapos kayo, nakakausap ba?

ni hindi nio magawang pagsalitain ako

 

masakit

na yung ibang tao tinatanggap ako

tapos kayo, mi ultimo isang maling galaw

parang ang sama sama ko nang tao

 

masakit

sana kayo na lang yung ibang tao

sana kayo na lang sila

sana tulad nila kayo

 

para naman hindi masakit

para naman kahit papano

kayo yung inspirasyon ko

hindi yung ibang tao

 

sana talaga kahit papano…

iparamdam nio din

yung pinaparamdam ng ibang tao

 

sana kahit papano…

^~~~^

Bakit Kaibigan?

HINDI KA naman bulag pero bakit ka nagbubulag-bulagan?

Hindi ka naman bingi para magbingi-bingihan.

Hindi ka naman manhid.

 

Pero bakit?

Tama ba?

Tama ba na patay malisya?

Tama bang palipasin na lang ‘to?

Tama bang ganito na lang?

 

Kaibigan

Kaibigan

Hindi ko maintindihan

Hindi ba’t dati na itong usapan?

Ang intindihan sa isa’t isa, hindi sa iisa..

 

Ngunit bakit?

Ikaw lamang ba lagi ang dapat iniintindi?

Paano kami?

Paano ang nararamdaman namin?

 

Paano ako?

Paano ang pagkakaibigan natin?

Hindi mo ninais matulad sa ibang nangyari

Pero dahil sa iyong kilos ngayon

Di malayong maulit ang ganung pangyayari

 

Di ko ninais na umabot sa ganito

Ngunit bakit ikaw ay waring walang pakialam?

Di ko ninais na umabot sa ganito

Ngunit bakit sa ami’y kailangang itago?

 

Kaibigan

Ating balik-balikan

Ang ating kasiyahan

Ang di mabilang na tawanan

 

Kaibigan

Ating sariwain

Ating gunitain

Ang saya ng damdamin

 

Kaibigan

Intindihin mo

ang katagang KAIBIGAN.

 

Kaibigan

Tandaan mo

kung ano ka samin,

kung ano kami sa’yo,

..KAIBIGAN.

^~~~^

Isang Segundo

ISANG SEGUNDO
isang bata ang nabunggo
si kamatayan ang nanalo.

Isang segundo
isang sanggol ang isinilang sa’ting mundo
si tagapaghatid ay ‘di nagpatalo.

Isang segundo
isang kaarawan ang idinaos
si kasiyahan ay nakisalo.

Isang segundo
isang damdamin ang nabuo
si pagmamahal ang sumalo.

Sa isang segundo
isang buhay ang pinutol
isang buhay ang ipinagbunyi
isang kaarawan ang pinagsaluhan
isang pagmamahalan ang umusbong
isang pangyayari ay sabay sabay nangyari.

Sa isang segundo
si kamataya’y nanundo
si tagapaghatid ay sumulong
si kasiyaha’y lumipad at dumapo
si damdami’y nagliwaliw at umusbong.

Sa isang segundo
pangyayari’y ‘di tumitigil sa pagtakbo
anuman ang dala; positibo o negatibo
haya’t kaliwa’t kanan ang panggugulo.

Sa isang segundo
ako’y litung-lito
ako’y nahulog na ba sayo?
o sa kanya pa rin ang puso ko?

Sa isang segundo..

^~~~^

Alam Kong Hindi Ka Tulad Nila

HINDI AKO sinlakas ng iniisip mo,
diĀ  ako sintatag ng inaakala mo,
di ako sintapang ng nakikita mo.

Kaya kailangan ko ng makakasangga,
kaya kailangan ko ng kaibigan,
kaya kailangan kita.

Yung pinapakita ko, hindi yun
yung sinusulat ko, yun yun.

Yung salitang binibitawan ko, hindi yun
yung hindi ko sinasabi, yun yun.

Yung kinikilos ko, hindi yun
yung nararamdaman ko, yun yun.

Laki ng pasasalamat ko, dahil hindi ka tulad nila
na pangalan lamang ang tanging nalalama’y
wagas makahusga, sa buong pagkatao.

Laki ng pasasalamat ko, dahil hindi ako tulad nila
na may kakilalang tulad mo, ang tanging mahalaga’y
wagas na pagkakaibigan, sa habang panahon.

Lahat tayo’y may kaibigan, ngunit di lahat ay masasabing totoo
ang iba’y di karapat dapat sa bansag na kaibigan.
Ngunit alam kong hindi ka tulad nila at masasabi kong;
ika’y aking kaibigan.

^~~~^